LP 94: Husay

February 25, 2010 by  
Filed under General, LP entries

Magandang araw ng Huwebes mga kasama! Isang pagsubok na naman ang ating pagsasamahan sa araw na ito. Mayroon po tayong panauhing litratista na siyang mag-aalay ng kanyang akdang Husay
sa inyong lahat. Siya po ay ang ating kasamang si Ian ng safarisogood.blogspot.com!

Noong nakaraang Agosto, nakita natin ang pagtindig nina Police Officer
2 Danilo Malab Jr., Private First Class Antonio Cadiente, Airman 2nd
Class Gener Laguindam and Petty Officer 3 Edgardo Rodriguez sa tabi ng
mga labi ng yumaong Pangulong Corazon Aquino habang tinatahak nila ang
naging walong oras na paglalakbay mula sa Manila Cathedral hanggang sa
Manila Memorial Park sa Paranaque. Ang kanilang pagtalima sa tawag ng
tungkulin ay naging isang kagyat na pagsasabuhay ng kung ano nga ba
ang maging isang Pinoy: ang pagsuong sa hamon ng buhay, ang pagkaya sa
anumang dagok na dumating, ang manindigan sa prinsipyong hindi
magugupo sa harap ng hirap at sakit. Gawin kung ano ang dapat, kung
ano ang tama.

Ito rin ang mga kaparehong gabay sa mga lumahok sa EDSA People Power
Revolution naganap 24 na taon na ang nakakaraan. Bagaman nagbabadya
ang sandatahang lakas ni Marcos, hindi nangiming harapin ng
milyun-milyong Pilipino ang panganib, nag-alsa laban sa tiwaling
gobyerno, maanomalyang halalan, at abusadong pamunuan. Kasi ito ang
dapat, ito ang tama, ito ang tawag ng pagkakataon.

At dahil sa tagumpay sa EDSA, naluklok sa puwesto ang sinasabing
pinakaminahal na pinuno ng Pilipinas, ang simbolo ng demokrasya, si
Cory Aquino.

Hindi kailangang magkaroon ng panibagong People Power Revolution upang
matampok muli ang husay ng mga Pilipino. Ni hindi natin kailangang
tumindig, sumirko, o kumain ng bubog o apoy. Ang mga mumunting
kabutihan na ginagawa natin- lalo na kung walang nakakakita o
nakaabang na papuri o pabuya- ay sapat nang kaparaanan upang tumingkad
na muli ang ating mga katauhan.

Sa tingin ko, mas mainam pa na ang isang Pinoy ay maging mabuti ng
ilang milyong ulit kaysa kumilos nang may kabutihan ang ilang milyong
Pilipino nang minsanan lamang…