LP 95: Kalikasan

March 4, 2010 by  
Filed under General, LP entries

Marso na mga kasama, ang bilis ng panahon ano?! At malapit na rin ang ating Ikalawang Anibersaryo, sa Abril 3. Wow! Salamat, salamat ng marami sa walang sawang pagsali at pagbibigay ng tsansa sa isa’t isa na maipakita ang inyong husay at hilig sa potograpiya! Kung napapansin din po ninyo ay slowly but surely, lumalaki din ang bilang ng ating miyembro sa Facebook fan page, sana lang ay may mga blog din sila para naman nakakasama natin tuwing Huwebes, ano po? :)

Bago din po tayo magsimula ay gusto lamang naming ipaalala na patuloy po tayong tumatanggap ng mga lahok para sa ating proyektong: “L.P. goes to..” at “Photo Tips and Tricks” max 2 litrato po bawat  lahok. Ipadala lamang sa: litratongpinoy@gmail.com ang inyong mga lahok. Sa mga nag-iwan ng komento naman po sa “PHOTONUTS” abangan nyo silang muli sa ikalawang Linggo ng Marso. Maraming salamat!

Tara na, simulan na natin!

KALIKASAN. Nature.

Sa mga delubyong sanhi ng kapabayaan at pagwasak ng mismong tao sa kanyang kalikasan, natatakot ka ba?

Ang aking sagot ay oo. OO sapagkat kung patuloy na mismong tayong tao ang sisira ng ating kalikasan ay tiyak wala ng aabutan pa ang mga hindi pa isinisilang. Nakakalungkot isipin pero paano na sila, paano na ang kinabukasan nila? Mga puno ay tinitibak. Mga bundok ay kinakalbo. Mga hayop ay walang awang pinapatay sa pamamagitan ng pag-hunting para lamang sa tropeo. Mga lupaing dapat na sakop ng mga hayop ay sinasakop na ng tao dahil sa kanyang pangangailangan na palakihin ang kanyang mundo. Mga dagat na tinatapunan ng nakamamatay na lason. Pag-gamit ng dinamita sa pangingisda na hindi lamang munting isda ang nangangamatay ngunit pati na rin ang mga corals. At marami pa. Marami pa tayong dapat pag-isipan, pagbuhusan ng panahon, madaming dapat ituwid sa ating mga ginagawa.

Dahil kung hindi, baka ultimong mga ibon ay sa mga larawan na lamang makikita ng mga anak ng ating mga anak. Nakakalungkot naman.

Isang magandang Litratong Pinoy na Huwebes sa inyong lahat!