LP 187: Abo o kulay abo

February 2, 2012 by  
Filed under General, LP entries

Kahapon na bitbit ang isang supot ng lumang tinapay ay lumabas ako sa gitna ng napakalamig naming panahon dito (Holland) upang magpakain ng mga ducks at swans. Naging ugali ko na ang magpakain ng mga ito lalo na kung ang temperatura ay mababa pa sa zero dahil tiyak na halos wala silang makain. Pero syempre pa ay isa rin itong magandang pagkakataon para makakuha ng mga larawan. Eto ang isa sa mga resulta.

Ang SILVER GULL. Higit na mas maganda siya sa Common Gull dahil sa kanyang pulang tuka at biyas. May isang local na photographer ang nagtanong sa akin kanina lamang kung saan ko sila nakita kahapon dahil mas malamang na nakikita dito ay ang common gull na mapusyaw na dilaw ang tuka. Ang sagot ko sa kanya ay dito lamang , malapit sa aming bahay :D Laking tuwa ko naman na ako ay nabigyan ng pagkakatong makuhanan ng larawan ang mga ibon na ito.

Habang pinagmamasdan ko sila maigi ay napansin ko ang abong kulay ng pakpak! Para sa akin ang kulay na abo ang nagbigay balanse sa kanyang kabuuan. Winter beauty, ika nga.

O YOGA masters? ;)

Magandang araw ng Litratong Pinoy po sa inyong lahat!

Next Page »