LP 181: Hiling (request)
December 22, 2011 by Beng
Filed under LP entries
Hiling – isang salitang may mabigat na kahulugan. Isang salitang inaabuso ng ibang tao at isang salitang mahirap minsan gawin. May mga tao o nilalang na humihiling ng pang-uunaawa, pansin, pag-ibig o pabor. At may ibang mga tao namang humihiling na bigyan sila ng pera. Itong huling pangungusap ang naranasan ko kamakailan lang. Hindi nga naman masamang abutan o pagbigyan ang humihiling, pero kapag ang kahilingan ay sunod-sunod na, ito ay talaga namang nakapanggigil na.
Sa ibabaw, isang larawan ng matandang babae ang inyong makikita. Kuha ito doon sa isang nursing home na pinuntahan ko kanina, kung saan ang buong klase ng anak ko ay kumanta. Katabi ko siya habang pinapanood ang mga bata. Nagkausap kami tungkol sa Pasko at bigla siyang napaiyak habang ikuwenento niya sa akin na matagal-tagal na rin siyang hindi dinalaw ng kanyang mga anak. Muntik na rin akong mapaiyak dahil naalala ko ang aking mga magulang na laging hindi ko kapiling sa Pasko dahil kami ay magkalayo. Mas lalong kumirot ang dibdib ko noong sabihin niya sa akin ang kanyang pinakahiling sa Paskong ito. Hiling niya na sana daw ay maalala siya ng mga anak niya, at sana sila ay magkakasama sa darating na Pasko.
Maligayang LP day sa inyong lahat!


