LP 136: Malambot
January 27, 2011 by T
Filed under General, LP entries
Kawili-wili ba’ng pagmasdan ang isang mananayaw na ‘matigas’ ang katawan? Syempre naman ay hindi, tama po ba ? Ipikit mo ang iyong mga mata at subukan mong isipin ang isang mananayaw na lumalambitin sa dance pole, hindi ba’t kahanga-hanga ang lambot ng kanyang katawan at napapapulupot nya ito sa mahabang bakal?
Nahalukay po ito ng inyong abang lingkod mula sa kanyang baol. Ito ay kuha noong 2009 Summer Carnival sa siyudad na malapit sa amin. Inaabangan ito ng maraming tao dahilan sa pagpaparada ng mga kababaihan, kalalakihan, matanda o bata sa kahabaan ng lansangan ng Rotterdam. Bukod sa makukulay na costumes nila (na hindi nyo makikita sa 2 larawang ito..pasensya na po at hindi kagandahan lalo na ang gusali sa unang larawan kaya ginawa ko na lamang ganyan ang kulay) ay talagang kay lalambot ng kanilang mga katawan na siyang nagpapaindak sa mga nanonood sa kanila.
Ang 2 babaeng ito ang kumuha ng aking atensyon. Ang una ay dahilan sa kanyang tila mahiyaing mukha , ganunpaman ay hindi mahiyain ang kanyang indak.
At ang pangalawang binibini ay talagang bigay na bigay hindi lang ang lambot ng katawan sa pagsayaw subalit pati na rin ang kanyang mga halakhak at ngiti! Game na game rin syang mag pose kapag nakakakita ng camera! Isa pa ang hinding hindi ko makakalimutan ay ang kanyang mukha na nagpa-alala sa akin kay Diana Ross at Michael Jackson, walang biro!
Sana naman ay napangiti kayo ng may malalambot na katawan na mga binibining ito
Maligayang araw ng Litratong Pinoy sa inyong lahat!



