LP 63: Dito Lang
June 25, 2009 by panauhing_litratista
Filed under LP entries
Ikinagagalak kong maging panauhing litratista ngayong linggo para sa temang “Dito Lang.”
Dito lang sa kabisera ng Canada–Ottawa–matatagpuan ang Parliament. Pansin namin ng aking kasa-kasamang manika na si Miss Igorota (http://missigorota.blogspot.com) na medyo hawig nitong gusaling ito ang Big Ben sa London. Dito lang mapapanood ang “Changing of the Guards” o pagpapalit ng mga gwardya gaya ng ginagawa sa Buckingham Palace, pero sa Hunyo 27 pa raw ito sisimulan kung kaya’t hindi namin ito napanood noong isang linggo.
Dito lang makikita sa harap ng Parliament ang nag-aapoy na fountain na tinatawag nilang “Eternal Flame.” Hindi ba pamagat ng kanta ‘yon? Kung mapapansin niyo rin ay maraming may bisikleta dito. Dito lang ako nakakita ng maraming nagbibisikleta sa daan pero walang bicycle lane di gaya sa Marikina City.
Dito lang ako nakakita ng higanteng gagamba na tinawag ng iskultor nito (Louise Bourgeois) na “Maman” o Ina sa wikang Pranses, dahil ihinahambing daw niya ang kanyang ina sa gagamba. May mga itlog pa nga sa ilalim nito!
At dito lang sa Ottawa makikita ang Rideau Canal–isang UNESCO World Heritage Site. Pagsapit ng taglamig, nagiging “pinakamahabang skating rink sa buong mundo” ito!
Maraming salamat sa pagtampok sa aking mga litrato. Ako po si Fortuitous Faery, dito lang po sa tabi-tabi ng New Jersey.






