LP 53: Hardin
April 15, 2009 by admin
Filed under LP entries
Sa paksang ito ay samahan ninyo ako sa isang maigsing paglalakbay (o paglangoy?) upang patunguhan ang kakaibang uri ng ‘hardin’, na sa Huwebes na ito ay nais kong ibahagi sa inyo.
Sa ating paglalakbay ay kailangan natin ang umupa ng bangkang de motor na tulad nitong nasa larawan….
Nasaan ba tayo?
Tayo ay nasa lugar na tinatawag na “Floating Market’ o “Dumnoen Saduak” na matatagpuan sa bansang Thailand.
Sadyang popular ang lugar na ito hindi lamang sa mga lokal na mamayan ng Thailand kundi lalo na sa mga turista. Ilang beses ko na rin nadalaw ang lugar na ito pero tila ba hindi ako nagsasawa. Hindi ko alam kung mayroon tayong ganitong lugar sa bansang Pilipinas pero minsan ay nauusal ko sa aking sarili na sana naman ay mayroon nga dahil nakakatulong ang ganitong ideya para sa industriyang turismo at sa mga mamamayang namumuhay sa lugar na gaya nito.
Talagang siksikan! Kaya’t huwag ka hahawak sa gilid na iyong bangka dahil madudurog at baka maputol ang mga daliri mo kapag naipit ng mga makakasanggang bangka! Marami sa nagsasagwan ng bangka ay babae. Laman ng kanilang mga bangka ay mga pangkalakal na tulad ng pagkain (oo maari kang bumili ng noodles, chicken satay, kanin na may ulam, prutas, gulay at pati na rin mga kakanin) na habang kumakain ka ay kanilang hihintayin na matapos upang makuha pabalik ang kanilang mga mangkok (kung noodles ang binili mo.) Mayroon ding itinitindang mga bulaklak, malamig na inumin, sombrerong gawang lokal, bags, pitaka, atbp. Kung marunong ka ng salitang Thai ay mas mainam para makatawad ka sa presyo. May mga tindahan din sa paligid na kung saan ang mga ito ay nagbebenta ng mga souvenirs. Marami ding pekeng mga bags tulad ng LV o Chanel. Kung sa Greenhills (San Juan, Pilipinas) ito ay ibinibenta sa halagang P 5,000.00 asahan mong sa Thailand ay kalahati lang ang presyo nito (o mas mababa pa kung marunong kang tumawad.)
tayo na…..malapit na sa kaibuturan ng ating paksa….
Nandito na tayo!
Maraming bahay sa paligid ng ilog na ito. Marami dito ay hindi yari sa bato o konkreto, bagkus ay yari sa kahoy na nabubulok dahil sa pagkaka-babad sa tubig at nagigiba. Mayaman ang paligid ng ilog na ito sa mga berdeng pananim, maraming mga puno. Subalit marami sa mga naninirahan dito ay nagkakasya sa pag alalaga ng mga tanim sa paso! Yan ang kanilang mga hardin. Sino ang maysabing ang hardin ay kinakailangang may piraso ka ng lupa at duon ka lamang maaring magtanim?
Dahil sa hitik sa mga puno at masukal na lugar, makakakita ka ng mga hayop na tulad ng bayawak sa tubig na eksperto sa paglangoy! (maari mong i click ang larawan para mas makita ang bayawak)
Ang lalaking ito ay nag re-relax sa silong ng kanyang bahay kasama ang kanyang alagang sawa. Nahuli lang kaya nya ito sa paligid?
Isa pang simple subalit payak na hardin.
Sana ay nagustuhan nyo ang ating mini tour.
Isang maligayang Huwebes ng L.P. sa inyong lahat. Khop Khun Mak!









