LP 52: Paboritong Litrato
April 3, 2009 by admin
Filed under LP entries
Bago ang lahat ay nais ko po muna na kayong lahat batiin ng HAPPY 1st ANNIVERSARY! Maraming salamat sa malugod na pagsuporta at pagtangkilik sa Litratong Pinoy. Mabuhay kayong lahat!
Atin pong salubungin ng mainit na pagtanggap si Yuichi Itabashi o Luiji, ang ating panauhing pang dangal. Isa po siyang propesyonal na photojournalist. Tubong Japan. Isa po sya sa mga konting potograpo na kilala ko na hindi gumagamit ng anumang software gaya ng photoshop para lamang ‘pagandahin’ ang kanyang mga larawan. Purong (pure) talento po ang makikita ninyo! Kasama ng kanyang butihing maybahay na si *Atinna ay kanila pong pinagbigyan ang imbitasyon ng Litratong Pinoy na maging panauhin sa ating unang anibersaryo. Ang sumusunod ay pagsasalaysay ni Ginang Atinna.
Atin pong hinihiling na sa salitang Inglis ninyo iwan ang inyong mga komento. Maraming salamat po.
****************************
Ang tatlong litratong ito ang aking pinili na ilagay dito sa Litratong Pinoy. Kuha ito ng aking asawa na isang photojournalist dito sa Tokyo kung saan kami ay naninirahan. Isa rin syang stringer sa ilang internasyonal dokyumentari magasin at pahayagan.
Ang batang babaeng nakangiti habang naghuhugas ng kamay ay kuha sa isang refugee camp nung kasalukuyang may giyera sibil sa Nicaragua. Isa siya sa maraming batang nahiwalay o naulila sa kanilang magulang. Naging cover ang larawang ito ng Asahi Photo Magazine noong taong 2001.
Labing anim na taong gulang ang batang ito, siya ay nakatapak ng mina ng bomba habang naglalakad pauwi sa kanilang bahay sa isang lugar sa Cambodia. Bukod sa kanyang paa ay tinamaan din ang kanyang tiyan. Ang larawang ito kasama ng iba pa ay ginawang exhibit sa Tokyo Metropolitan Museum of Photography noong 2004.
Ang litratong ito ay kuha sa isang parke dito sa Tokyo. Maaaring sabihing mapapalad ang mga bata dito sa Japan. Sila ay alaga sa pagkain, edukasyon, at pangkalusugang atensyon at pangangailangan. Walang batang yagit dito sa bansang ito, walang batang kakalat-kalat sa kalsada na nanghihingi ng limos o nagtitinda ng Sampaguita.
Hindi ko na maalala kung sinong pilosopo/manunulat (si Dostoyevsky yata kung hindi ako nagkakamali) ang nagsabi ng: “Kung ano ang ginawa mo sa isang bata, paglaki niya ay ibabalik at gagawin rin niya ito sa lipunan”.
Pero alam ko na ang ating bayaning si Jose Rizal ang nagsabi ng: “Ang kabataan ang kinabukasan at pag-asa ng bayan”.
Nailathala ang mga kuhang larawan ni Luiji sa iba’t-ibang magasin at pahayagan tulad ng Asahi Shimbun, Mainichi Shimbun, The Japan Times, The New York Times; at ahensya ng balita tulad ng Associated Press, Agence France Presse, at iba pa. Kabilang sa mga prominenteng indibidwal na kanyang nalitratuhan ay sila Bill Gates, former President Bill Clinton, The Dalai Lama, ang Pranses na aktres na si Sophie Marceau, ang Koreanang aktres na si Lee Young Ae ng popular na dramang ‘Jewel in the Palace’, at ang laging papalit palit na Prime Minister ng Japan at mga miyembro ng kanilang administrasyon.
Sa gulang na 23, nung umpisa pa lamang ng dekada 90, katatapos niya ng kursong Photojournalism sa University of Illinois ng siya ay nagsimulang kumuha ng litrato at magdokumento ng giyera sibil sa Central America (Nicaragua, El Salvador at Guatemala). Nasaksihan niya at nakuhanan ng larawan ang kalupitan ng giyera, ang pagkawasak ng kalikasan, ari-arian, at buhay ng mga inosenteng mamamayan; at ang nakapanlulumong epekto nito, lalung lalo na sa mga bata.
Malakas ang kanyang loob na makisabay sa mga rebeldeng sundalo na nakikipagbarilan at hinahagisan ng granada ang habul-habol na mga kaaway na militar. Sa kung saan saang bundok, ilog at kapatagan siya napapadpad. Dala-dala niya sa kanyang likod ang isang backpack na puno ng films at nakasakbit sa balikat ang camera bag na may 15 kilos ang bigat. Hindi niya alintana ang gutom, uhaw at kagat ng kung anu-anong insekto, iisa ang nasa kanyang isipan: ang makakuha ng mga larawan. Natuto siyang kumain ng nilagang hilaw na saging na isinawsaw sa asin, inihaw na kuneho, bubuli, ibon at kung anu-anong hayop na nahuhuli sa bundok na pwedeng ipantawid gutom. Walang bottled mineral water sa bundok; tubig ulan na inipon sa kantina at tubig batis ang pamatid uhaw.
Sa kalahating taong pamamalagi niya sa mga nasabing lugar ay nagkaroon ng malaking puwang sa kanyang puso ang mga batang nakatigil sa mga refugee camps. Maraming larawan din ang kinuha niya dito, ang isa sa mga dokumentaryong kanyang ginawa ay naka sentro sa mga batang nagkaroon ng kapansanan o naulila dahil sa giyera.
Isa sa mga adbokasiya ni Luiji bilang photographer ang isulong ang pagpoprotekta at pagpataas sa karapatan ng mga bata. Lalung-lalo na yung mga biktima ng karahasan dulot ng giyera. Nakita niya kasi kung paanong hirap at abuso ang dinanas ng mga ito, sa pisikal, sikolohikal at emosyonal na aspeto. Kahit ngayon ay patuloy pa rin ang kanyang mga adhikain at adbokasiya na makatulong sa mga bata lalo na yung mga nasa ampunan, at isulong ang katayuan at ipreserba ang dignidad nila sa lipunan. Katuwang na niya ako ngayon sa adhikaing ito.
Sa kasalukuyan ay hindi na siya do-or-die photographer na sumusugod sa giyera. Ang kanyang paboritong kamera – Nikon F3/T (isa sa pinakamatibay at pinakamagaan na kamera gawa sa titanium kaya tinaguriang “kamerang pangharabas” ng mga photojournalists at war photographers), na lagi niyang kasama noong mga panahong iyon ay nakatago na ngayon sa kanyang camera storage cabinet.
*
Si Atinna ay nagtuturo ng Ingles at Literatura sa isang pribadong High School sa Tokyo. Papel din niya ang pagiging maybahay, assistant, sekretarya, at tagahawak ng ilaw at reflector sa mga photography projects ni Luiji – ang mga papel na ito, kadalasan, ay gratis.
(YUICHI ITABASHI San, thank you so much for sharing your talent with us. ATINNA, thank you so much for your generosity. Forever grateful. – admin )





nakalimutan ko pala mag sign-in!
luna miranda’s last blog post..Weekend Snapshot: Corregidor Island
Belated Happy Anniversary po sa LP! Isang maligayang pagbati bagamat nahuli na naman ako.
I am proud that an exquisite photojournalist has joined us on this fruitful occasion. His photos stir the conscience and are truly eye-openers.
Ang paborito kong larawan ay yung hindi inaasahang mga sandali. Maaring maganda, maari din namang di kaaya-aya. Katulad ng ating panauhin, ako ay naniniwala na ang magandang larawan ay naglalaman ng isang mensaheng hindi inaasahan ngunit palaging andoon at naghihintay na matuklasan.
Kinukuha ko na din po ang pagkakataon na ito para batiin kayong lahat ng HAPPY EASTER!
Dr Emer’s last blog post..Would You See It If You Were Hungry?