LP 50: Paboritong Alahas
March 19, 2009 by admin
Filed under LP entries
Ikaw, ano ba ang paborito mong alahas? Mahilig ka ba sa ginto? Pilak? Ikaw ba ay isa sa tinatawag nilang may ‘hepatitis’ kapag magsuot ng alahas? O kaya naman ay nahahawig kay Mr. T dahil sa halos mabali na ang iyong leeg sa dami at bigat ng kuwintas na kasabit sa iyong leeg?
Ah, kanya-kanyang hilig lang naman yan, di ba? Mayroon naman sa atin na sapat na kahit plastic pa ang suot! O di naman kaya ay mga lumang alahas na ang iba ay minana pa sa mga magulang. Sabi nga nila: ‘Nasa nagsusuot yan!’
Ito ang aking lumang wristwatch. Binili ko ito sa Singapore nuong 1991 at nagretiro lamang mga 5 taon ang nakalilipas. Bakit ko pinagretiro? Dahil hindi na tumatama sa oras (no pun intended.) Masdan nyo maige, ito ba ay nakaturo sa alas- dose o ala- una? Subalit dahil paborito ko itong relos ay wala naman akong balak itapon. Alaala ito ng mga panahon ng una kong iwan ang aking mga magulang at kapatid sa Pilipinas upang makipagsapalaran sa trabaho sa ibang bansa. Katas ng unang sueldo, hindi ko yan makakalimutan kahit kailan.
O ikaw naman ang magpakita ng iyong paboritong alahas!
Magandang araw ng Huwebes at Maligayang L.P. sa iyong lahat!


