LP 45: Puso (o Hugis-Puso)

February 12, 2009 by  
Filed under LP entries

Puso – ang tinaguriang sentro ng ating pagkatao. Ang patuloy na pagtibok nito ay nagbibigay-buhay at madalas, patuloy na pag-asa.
Mula din sa puso ang mga malalalim na saloobin – maaaring matinding puot o galit (madalas na tinatawag na “maitim na puso”) o di kaya naman ay dalisay at wagas na pagmamahal. Marahil, totoo nga ang kasabihan na kung ano ang nilalaman ng puso ay madalas ding tumutukoy kung anong klaseng tao ang nagmamay-ari nito.
Ngayong papalapit na ang Araw ng mga Puso, higit pa sa mga regalo at pagbati na matatanggap natin, maganda din sigurong pag-isipan kung ano ba talaga ang nilalaman ng ating mga puso. Gaya na lamang ng nakasulat sa banal na aklat: “Sabihin mo sa akin kung nasaan ang kayamanan mo sapagkat doon din matatagpuan ang iyong puso”.

pinky_puso

Mabuti na lamang at may mga nahalungkat din akong mga hugis-pusong “bling-bling” mula sa gamit ng aming kikay na bunso. Ang mga pilak na alahas na ito ay mga regalo sa kanya ng kanyang ninang noong kanyang binyag.

At paano ko naman maiuugnay ang larawan sa aking mensahe? Bilang isang ina, ang pinakamahalagang kayamanan na marahil ay ang aking mga anak. Ang tatlong puso sa larawan ang sumasagisag sa aking mga “kayamanan” – sina Luigi, Rafa at Marga. At oo, nandoon palagi ang puso ko kasama nila.

Ako po si Pinky, ang inyong dakilang “domestic diva” mula sa “Forbidden Kingdom”, na naanyayahan upang maging panauhing litratista ngayong linggo. Nais ko pong iparating ang isang mainit na pagbati para sa Araw ng mga Puso mula dito sa naglalagablab na disyerto ng Gitnang Silangan.

Happy Valentine’s LP sa lahat!

« Previous PageNext Page »