LP 25: Ginintuan
September 17, 2008 by panauhing_litratista
Filed under LP entries

Ang Ginintuang Humahalakhak na Buddha (Golden Laughing Buddha) ay pinaniniwalaang nakapagaakit ng suwerte sa isang tahanan. Maraming naniniwala at marami rin namang hindi ngunit totoo man ito o hindi, minabuti ko nang magkaroon ako nito. Wala namang mawawala, hindi ba?
Ang mga Buddha ay dapat na nakaharap sa pangunahing pinto o bintana ng tahanan para sa mas epektibong pagaakit ng suwerte. Pinaniniwalaan ding mas suwerte ang Buddha kung ito ay ibinigay sa isang tao bilang regalo. Mayroon din akong maliit na Buddhang gawa naman sa tanso (bronze), na dinadala-dala ko sa aking bag. (Para sa ikapapanatag ng kalooban ng iba, babanggitin ko na ring mayroon din akong dala-dalang rosaryo sa aking bag.
)
May isang eksperto sa larangan ng Feng Shui ang nakapagsabi sa akin na dapat daw ay kinikiliti ang tiyan ng Buddha kasabay ng pagbulong ng isang kahilingan. Mas madalas na pagkiliti, mas madali daw makakamtan ang ninanais. Nakakatawa ano? Malamang pagkabasa nito’y kikilitiin niyo na ang inyong mga Buddha kung mayroon kayo! Kung gusto niyo naman ng maraming anak, ang Buddhang may kalung-kalong at napapaligiran ng mga nagtatawanang mga bata naman ang nababagay sa inyo.
Ako po si Weng, a.k.a. Munchkin Mommy, ang panauhing litratista ng Litratong Pinoy para sa linggong ito. Maraming salamat po.

