Archive for September, 2008

Sep-29-2008

Q & A, ATBP.

Una sa lahat, humihingi po kami ng paumanhin sa mga nagpadala ng e-mails na hindi namin nasagot dahil kami po ay nasa bakasyon. Narito na po kami ngayon para sagutin ang inyong mga katanungan.

Q: “Bakit hindi nailathala ang aking komento sa linggong ito?”

A: Ang mga komento po ay hindi ‘moderated’. Sa mga mayroong multiple blogs na isinasali ay automatic na mino-moderate ito ng wordpress. Ganun din po sa mga iisa lamang ang blog, wordpress pa rin ang sumasala ng inyong iniwang komento.

May iba naman po sa inyo na automatic na sinasala as SPAM.

Nais lamang po naming iparating sa inyo na ginagawa po namin ang aming makakaya upang mailathala ang inyong mga komento. Pasensha na po kung medyo naaantala paminsan-minsan.

Q: “Maari bang sumali kahit hindi pa Oktubre? ”
A: Maaring maari po! Bagkus kayo po ay aming inanyahan na sumali at ipadala ang inyong impormasyon sa Oktubre upang kayo ay ganap na maging miyembro ng Litratong Pinoy. Sa katunayan ay kahit wala pang Oktubre, atin na pong inilagay ang pangalan ng mga bagong miyembro na maagang nagpadala ng impormasyon. Welcome po sa Litratong Pinoy! Sa mga nagsisali na po simula nuong Agosto, ipadala na po ninyo ang inyong mga impormasyon sa ating email.

Q: “Lumipat ako sa bagong blog. Maari bang pakipalitan na lamang ang aking URL sa listahan o kailangan ko pang magsimula ulit (sasali muna ng 2 beses)?”
A: Hindi naman po tayo mahigpit pa pagdating sa bagay na ito. Iliham na lamang po ninyo ang inyong bagong URL.

***ATBP***

- Panawagan po sa ating mga miyembro na ilang buwan na pong hindi sumasali sa ating lingguhang meme, inaanyayahan po namin kayo na muling magsisali! Kung kilala po ninyo ang mga nasa listahang miyembro na hindi nakakasali (maaring nanggaling sa bakasyon o ano mang dahilan) inyo po sana silang imbitahan muli na maging aktibo.

Sa darating pong panahon ay magkakaroon tayo ng paglilinis ng ating blogroll.

-Ang atin pong FORUM ay napaka-tahimik. Sa mga hindi po nakakaalam tungkol dito ay MAY FORUM PO TAYO na naghihintay sa inyong pagdalaw. Halina’t makipag kwentuhan at talakayan sa isa’t isa!

- Simula sa Oktubre ay sisimulan muling batiin sa pahinang ito ang mga magseselbra ng kanilang kaarawan!

Magandang araw po sa inyong lahat!

Posted under Kalahatan, balita at impormasyon
Sep-24-2008

LP #26: Puti at Itim

Kumusta na kayong lahat, mga ka-LP?! Namiss ko kayo ng husto! Bago ang lahat ay nais ko munang magpasalamat sa mga sumusunod na panauhing litratista na nagpaunlak sa ating paanyaya nuong nakalipas na 6 na Huwebes:

Christine, Meeya, iRonnie, Lino, Reflexes, at Weng - Maraming maraming salamat sa inyong lahat, sa uulitin ha!

Hindi po dito natatapos ang pagtatanghal natin ng mga panauhing litratista. Abangan po ninyo dahil sa mga susunod na buwan ay magkakaroon tayo ng mga panauhing L.P. litratista muli! Random po ang aming gagawing pagpili kaya’t abangan po ninyo ang imbitasyon na manggagaling sa amin.

Pumunta na po tayo sa ating tema ngayong Huwebes, ang Puti At Itim.

Napagpasyahan kong gamitin ang dalawang ito na pusa ng aming mga kapitbahay. Opo, hindi po namin sila pets pero lagi po silang ‘nakatambay’ sa aming maliit na hardin. Nagkataon na pareho silang itim ang kulay (medyo kulay lupa kapag nasisinagan ng araw ang balahibo) at kapwa rin may bahid ng puti na sa aking pananaw ay nagbigay tingkad sa kanilang ganda.

Ang unang pusa ay ubod ng ilap! Mabuti na lamang at nagpakuha sya ng larawan sa akin.

Ang pangalawang pusa naman ay napakaamo sa dahilang kami ang nag-aalaga sa kanya kapag ang kanyang mga amo ay nasa bakasyon. Opo , kami po ay catsitters.

Silang 2 habang nag papaaraw sa ibabaw ng bubong ng aming paradahan ng bisikleta. Paminsan-minsan ay 3 hanggang 4 na pusa ang nag su-sunbathing sa bubong na iyan kapag matingkad ang sikat ng araw.

Umpisahan na nating dalawin ang isa’t isa. Magandang Huwebes sa inyong lahat!

Posted under L.P.
Sep-17-2008

LP 25: Ginintuan

Ang Ginintuang Humahalakhak na Buddha (Golden Laughing Buddha) ay pinaniniwalaang nakapagaakit ng suwerte sa isang tahanan.  Maraming naniniwala at marami rin namang hindi ngunit totoo man ito o hindi, minabuti ko nang magkaroon ako nito.  Wala namang mawawala, hindi ba?

Ang mga Buddha ay dapat na nakaharap sa pangunahing pinto o bintana ng tahanan para sa mas epektibong pagaakit ng suwerte. Pinaniniwalaan ding mas suwerte ang Buddha kung ito ay ibinigay sa isang tao bilang regalo.  Mayroon din akong maliit na Buddhang gawa naman sa tanso (bronze), na dinadala-dala ko sa aking bag.  (Para sa ikapapanatag ng kalooban ng iba, babanggitin ko na ring mayroon din akong dala-dalang rosaryo sa aking bag. :D )

May isang eksperto sa larangan ng Feng Shui ang nakapagsabi sa akin na dapat daw ay kinikiliti ang tiyan ng Buddha kasabay ng pagbulong ng isang kahilingan.  Mas madalas na pagkiliti, mas madali daw makakamtan ang ninanais.  Nakakatawa ano?  Malamang pagkabasa nito’y kikilitiin niyo na ang inyong mga Buddha kung mayroon kayo!  Kung gusto niyo naman ng maraming anak, ang Buddhang may kalung-kalong at napapaligiran ng mga nagtatawanang mga bata naman ang nababagay sa inyo.

Ako po si Weng, a.k.a. Munchkin Mommy, ang panauhing litratista ng Litratong Pinoy para sa linggong ito.  Maraming salamat po.

Posted under L.P.