LP #11: Kalayaan
June 11, 2008 by admin
Filed under LP entries
Malamang ay nagtataka kayo kung ano kinalaman ng aking larawan sa ating tema ngayon Huwebes? Inaanyayahan ko kayong basahin ang maikling kuwento sa ilalim ng larawan at malalaman ninyo kung bakit. Medyo kakaibang klaseng kalayaan lamang po ang aking akda sa Huwebes na ito.

Ang kapatid ko ay nagtatrabaho sa Gitnang Silangan kung saan ay nakilala nya ang isang mabait na kakabayan na kasama nya sa kumpanya. Itago na lang natin sa letrang R ang kasamahan sa trabaho ng kapatid ko. Base sa mga kwento ng aking kapatid, naging kaibigan nya talaga si R at pagpapatunay na lagi itong tumutulong kapag kinakailangan ng aking kapatid. Si R din ang matyagang nagbantay sa aking kapatid nang kinailangan operahan ito at mahimpil sa ospital. Para talaga silang magkapatid.
Subalit may gumulo sa isipan ng kapatid ko dahil isang araw ay kinausap sya ng masinsinan ni R at inihabilin lahat sa kanya ang usernames/passwords ng kanyang mga e-mail accounts, numero kung saan maaring tawagan ang kanyang ina at kapatid sa Pilipinas. Naghahabilin na ito at derechahang sinabi sa kapatid ko ang balak nya. Bukod kasi sa depresyon, may sakit din si R at may hinanakit sa ama na umiwan sa kanila nuong sya ay bata pa. Gusto na raw nya makalaya sa mga hinanakit at sama ng loob na dinadala nya. Hindi na raw nya kakayanin pa. Magmula nuon ay lagi na itong binabantayan ng kapatid ko, inaalo kapag nalulungkot, at tuwing libre sila sa trabaho ay niyaya na mag out of town para malibang. Ginagawa lahat ng mga kasamahan din sa trabaho ni R ang lahat para ito ay hindi makadama ng kalungkutan.
Hanggang sa inilipat sa ibang sangay ng kumpanya ang aking kapatid ng kanilang boss. At ang sangay ay nasa ibang bansa. May hinabilinan ang aking kapatid na tumingin kay R, na lagi itong aaliwin at subaybayan. Makaraan ang ilang buwan na pagkakalipat ng aking kapatid sa ibang bansa, isang dating kasamahan sa trabaho ang tumawag sa kanya. ‘Wala na si R’ sabi nito. Itinuloy nya ang ‘pangako’ nya. Nanlulumo at malungkot na tumawag sa akin ang aking kapatid para ihatid ang balita.
At ang nasa larawan sa itaas? Ganyan ang ginamit ni R upang makalaya sa sakit, hirap ng kalooban at isip na madaming taon nyang tiniis.
Ang tanong lang naming magkapatid ay: “Nakamtan nya kaya ang kapayaan matapos makalaya?”


